light in darkness

this blog is not for the faint-hearted. this blog contains fearless doodles from a mad girl. this blog is the emancipation of my emotions. this is my blog.

Sunday, March 26, 2006

untitled

babala: huwag basahin.. ito ay pawang kakornihan at resulta ng ka-agit-an ko.

7:30 nu.
nagising ako sa tunog ng cellphone ko...
"gud am! kamusta na ba ang pinakamagandang babaeng nakilala ko? breakfast ka na... wag ka papagutom. alagaan mo sarili mo. i love you mahal!"
napangiti ako sa sobrang lambing mo. haaayy swerte ko talaga sayo... bumangon ako, nakatitig ako sa picture natin sa side table ko. bagay tayo. ilang tao na nga ba ang nagsabi noon? o baka naman ginawa mo lang silang accomplice... hmm ano pa man, napapangiti pa rin ako. naligo ako. nag-ayos ng sarili--sinuot ko yung pink dress na sabi mong bagay sa akin. nagpaganda talaga ako at pinaghandaan ko talaga ang araw na to.
8:30 nu.
dumating ka. ang gwapo mo talaga. hanggang ngayon, hindi pa rin lumalamlam ang kinang sa mata mo. nakakatuwa. para silang mga stars na tinitingala ko sa langit tuwing gabi. nakangiti ka sa akin. haay para sa akin lang yang ngiting yan di ba? hinawakan mo ang kamay ko... at muli, inihanda ko na agn aking sarili sa paglipad... tuwing kasama kita'y ligtas ako.. corny no? pero la akong magagawa, yan ang epekto mo sakin.
9:00 nu.
dumating tayo sa simbahan. di ko mapigilan ang pagngiti ko. huling rehearsal na natin ito. bukas, sa muling pagbalik natin dito sa simbahan, wala nang makakapaghiwalay satin.
11:00 nu.
tapos na ang rehearsal. hindi natin namalayan ang oras. basta alam kong hindi nawala sa mga labi natin ang ngiti at pagkasabik para sa kinabukasan. nag-aya ka nang mananghalian. kasama ang mama mo, kumain tayo. masarap talaga siya magluto. sana ako rin, kasing galing niya... wag kang mag-aalala, may alam akong lutuin... :D
1:00 nh.
bumalik tayo sa bahay. iniupo mo ako sa duyan at tumabi ka sa akin. hawak mo ang kamay ko, nakatingin ka sa akin... para ulit akong teenager na kinikilig. di ko maitago ang saya dahil ngayon kasama kita. isinandal mo ako sa iyong dibdib at niyakap. rinig ko ang tibok ng puso mo... naalala ko tuloy noong una mo akong niyakap--nakakalunod--rinig ko ang tibok ng puso mo. nakatulog ako sa iyong tabi habang yakap mo ako...
3:00 nh.
ginising mo ako. gusto mong magmeryenda sabi mo. busog pa ako pero sinamahan na rin kita. ayaw kong mawala ka sa paningin ko. kaligayahan ko na ang pagmasdan ka at ang makasama ka. ikinuha kita ng krema de fruta sa ref. ginawa ko iyon para sa iyo. nang maubos mo iyon, isang halik sa pisngi ang ibinigay mo. napangiti lang ako.
4:00 nh.
nagpaalam kang uuwi muna sa inyo. tatawagan mo rin ang mga kaibigan natin para bukas. inihatid kita nang tanaw.
6:00 ng.
tumawag ka. ang sarap talaga pakinggan ng boses mo. tulad ng dati, wala naman talaga tayong napag-usapan na ganoon kahalaga pero umabot ng halos dalawang oras ang tawag na iyon. wala akong gaanong maalala sa ating napag-usapan ngunit ang gaan at sarap ng pakiramdam na nakausap kita ang natira sa aking alaala.
8:00 ng.
tumawag kang muli para siguraduhing naghapunan na ako. napakamaalaga mong talaga.. kaya naman napakadaling nahulog ang loob ko sayo noong college pa tayo.
9:00 ng.
may kumatok sa pinto ng bahay namin. pagbukas ko, ikaw ang nakita ko. puno ka talaga ng gimik. niyaya mo akong lumabas. nakakatawa... para namang hindi tayo magkikita bukas sa simbahan. dinala mo ako sa isang park. doon tayo tumatambay noong college poa tayo--kwentuhan, tawanan, iyakan... ang daming alaala sa park na iyon. may narinig akong tumugtog... kinuha mo ang kamay ko, isinayaw mo ako... nalulunod na naman ako... napakaraming alaala...
11:00 ng.
inihatid mo na ako sa bahay. matapos magbihis, nahiga ako... ipinikit ang aking mata. bukas, pagkagising ko, magkikita tayo sa simbahan.
6 nu.
ha? late na akong nagising. walang gumising sa akin. napabalikwas ako sa kama.. umiiyak na ako. mahihintay mo pa kaya ako? nagmamadali ako. hindi ko alam kung ano ang gagawin. naligo ako. hindi ko na isinuot ang espesyal na damit. isinuot ko ang white dress na mamaya ko pa sana isusuot pagkatapos ng ating pagkikita sa simbahan. umiiyak ako. lakad-takbo ang ginawa ko. wala akong masakyan. kapag minamalas nga naman...
7:00 nu.
nakarating rin ako sa simbahan. nagsimula kayo nang wala ako? bakit? nakita kita. nakatalikod. sino yang hawak mo? huli na ba talaga ako? nalulunod ako. nalulunod ako sa tibok ng puso ko. lumingon ka... malabo na. unti-unting nawala ang guhit ng iyong mukha sa aking paningin. wala ka na.
7:30 nu.
nagising ako sa tunog ng cellphone ko...
"gud am! kamusta na ba ang pinakamagandang babae na nakilala ko. breakfast ka na... wag ka papagutom. alagaan mo ang sarili mo. i love you mahal!"
tiningnan ko ang sender. hindi ko kilala ang numero. nangiti ako. hay nagkamali na naman siguro ng pagpapadala...babalik na lang ako sa tulog at itutuloy ko ang panaginip ko kasama ka. baka ngayon, makahabol na ako.

*ito ay napagbalingan ko at naging resulta nang aking katamaran sa paggawa ng papers... hay haggard ng buhay... ayaw kong mag-acads ngayon...

(031206)

0 Comments:

Post a Comment

<< Home