magnanakaw
september 10, 2005, 2:20 pm--sm north edsa.
hinihintay ko ang service ng republic na maghahatid sa akin pauwi. nakatayo ako sa tabi ng isang matandang ale na nagtitinda ng iba't-ibang kendi at dyaryo. nagdilim ang langit. hay naku, kaunti na lang nga ang benta, uulan pa. nakakaawa ang tindera. matanda na kasi siya pero nandoon siya sa eskinita, nakaupo at binabantayan ang kanyang paninda--umaraw man o umulan.
may tumabi sa'king pulis. hmmm.. mukhang kagalang-galang. ipinangangalandakan ng kanyang uniporme na siya ay may ranggo--mataas na opisyal. ngingiti-ngiti siya. nakakabuwisit. para siyang abnoy. hindi ko na lamang pinansin. kumuha siya ng dyaryo mula sa mga nakalatag na paninda ng matanda. ano nga ba ang balita? mag-uupdate si mamang pulis. hinagingan ng tingin-basa ang dyaryo. gusto nya ata ang dyaryo--tiniklop ng apat na beses at inilagay sa bulsa. hmmmmm... nagbukas ng bag ngunit walang kinuhang pitaka. teka lang! napatingin si sir sa akin. ngakangiti habang ako nama'y nakasimangot dahil sa tumatakbo sa isip ko. lumapit si sir sa dalawang sekyu na nasa may likod namin.. hmmm magpapabarya ata--pero nakipagtsismisan lang pala.
pumito si mamang pulis. huminto ang isang fx. binuksan ng pulis ang pinto, sumakay, isinara ang pinto. umandar ang fx. nakaalis na ang pulis. nawala ang dapat sana's P7.00 na kita ng matanda.
hindi siya nagbayad... ni hindi nagpasalamat sa tindera. ang kapal ng mukha niya.
mahirap ang buhay ngayon. mahirap na nga, pinapahirap pang lalo ng mga magnanakaw na nakasuot ng magara.
para sa magnanakaw na pulis na iyon, swerte mo't di ko nakuha pangalan mo. k*pal ka. unti-unti mong nilalason ang mga mahal mo sa buhay sa pagpapakain sa kanila ng pagkaing nagmula sa bulsa ng iba... at kapag kumain ka, mabusog ka sana. (091405)
0 Comments:
Post a Comment
<< Home