saranggola
galak, hinaplos mo ako sa araw na ito.
hindi ko inaasahang dadampian mo ng ngiti ang mga labi ko.
hindi ko inaasahang isang saranggola ang magpapangiti sa kanya,
isang saranggola ang magpapangiti sa akin...
at sabay kaming tumawa sa tuwa dahil sa paglayag ng aming munting guryon sa hangin.
mistulan kaming mga bata.
hinahapit ang sinulid, tumatakbo-takbo sa kalawakan ng ating tinatambayan,
iniiwas ang asul na saranggola sa mga sangang sumasayaw sa himig ng hanging tahimik.
hinahapit ang sinulid, hinahabaan pa ang sinulid,
upang magpatianod pa ang aming saranggola sa hangin.
dinala na ng hangin ang aming saranggola sa taas na hindi na maaninag ng aking malabong mga mata.
lumatag na ang kadiliman sa langit, unti-unting sumilip ang mga bituin...
hindi na rin niya makita ang aming asul na saranggola na kanina lamang ay maharot na nakipaglaro sa hangin...
nakangiti siya.
napangiti na rin ako.
iyon lamang ang gusto kong makita.
ang ngiti sa kanyang mukha.
alam kong may natatago pang kalungkutan.
sana sa susunod naming pagpapalipad ng saranggola, isama niyang muli ang kanyang sarili.
--upang lumipad siya, maging malaya...
malaya at malayo mula sa kalupitan ng mundo. (032406)
0 Comments:
Post a Comment
<< Home